Thursday, August 30, 2012

21 Grams


Napapadalas ako sa Planet Romeo nitong mga nakaraang araw. Bago ang internet connection sa bahay at sabihin na nating, matagal na rin ‘yung huli ko. Sabi nga nila, hindi naman porke’t single eh tigang ka na rin. Sa kaso ko, oo. Single ako at tigang ako. Para kasing ‘nung gumradweyt ako ‘nung college eh nabawasan na rin talaga ang hilig ko. Mas gusto kong makasama ‘yung boyfriend ko sa aspetong ‘yun ng aking buhay. Paminsan-minsan, meron din namang mga hindi karelasyon. Pero mas maraming beses, kulang ‘yung satisfaction na nabibigay niya sa akin. Iba pa rin talaga kapag may kasamang pagmamahal. Naks.

Aaminin ko, ang lakas ng loob kong tumambay sa gay site na ‘yun eh duwag naman ako. Kapag may nagyaya na sa akin na gusto ko rin naman, ang dami kong dahilan para hindi matuloy. As in ang labo kong kausap. Bigla na lang mag-ooffline at hindi na magrereply sa text. Kung ikaw ‘yung “kausap” ko, mapipikon ka talaga. Pero wala akong pagkatuto. Tatambay pa rin ako doon at makikipagpalitan ng mga mensahe.

Sa ibang banda naisip ko, baka hindi kasi ganun talaga ang ideyal na pagkikitang gusto ko. Baka ang trip ko, makilala ko muna ‘yung tao tapos tingnan naming kung puwede kaming umabot sa kama. Marami akong reservations kasi feeling ko, marami rin talaga akong issues as a person. Baka kailangan ko munang bawasan at isipin ang totoong goal ko sa pagpunta sa site na ‘yun.

May dalawa akong nakilala sa site na ‘yun. Si Mond at si Tsinoy. Pareho silang 21 years old pero sobrang layo nila sa isa’t isa. Si Mond, taga-samen lang. Mapusok at diretso sa mga punto ang banat niya. ‘Nung gabi na nakilala ko siya, muntik na rin akong bumigay. Sa bahay niya, at sabi niya, magaling siya sa kama. Buti na lang at pasado ala-una na nun at naisip ko ang trabaho ko kinabukasan. Hindi kami natuloy. Kinabukasan, nagtext pa rin siya. May paanyaya pa ng orgy at party and play. Pagtext niya nun, hindi na ko nagreply. Parang nalaman ko na ‘yung klase ng lifestyle na meron siya.

Si Tsinoy naman eh nagmessage sa akin out of the blue. Nagulat ako kasi taga Imus pa siya. Hiningi niya ‘yung number ko at binigay ko naman. Cute siya at promising ang nakalagay sa profile. Naghahanap ng boyfriend at hindi lang ka-sex. Solve ako dun kahit hindi naman talaga ako masyadong mahilig sa mas bata sa akin. Baka naman puwede. Tumawag agad si Tsinoy ‘nung gabing ‘yun. Ang dami niyang tanong sa akin. Feeling ko talaga first interview sa work ‘yun. Kahit waistline ko ganyan. Seryoso talaga siyang makahanap ng boyfriend. Nailatag niya rin sa akin kung paano niya gusto siyang ligawan. Napapailing na lang ako. Sabi ko sa kanya, naghahanap naman talaga ako ng bf pero hindi naman ako padalos-dalos. Gusto kong makilala muna talaga ang tao bago magdesisyon. At issue ko na masyado siyang malayo at bata pa. Sabi niya, “I maybe 21 years old but I act more than my age.” May ngiti akong nabitawan pagkasabi niya nun. Ilang beses ko rin kasi nasaba ‘yun dati, nung bata pa ko at gaya niya, naghahanap ng bf. Tinext ko siya kinabukasan at sinabi kong hindi magwowork ‘yung gusto niya kasi hindi ko maibibigay ang mga trip niya.

Napaisip lang ako sa kanilang dalawa. Parehong 21 years old pero sobrang layo ng relasyon na gusto nilang makuha sa ibang tao. Iniisip ko kung paano ako mag-isip nung ganung edad din ako at kung paano ko gusto tumakbo ang mga relasyon ko. Kasi gaya ni Mond, dumating din ako sa punto ng buhay ko na gusto kong maranasan ang lahat. Sa katunayan, may mga ilang bagay pa rin akong hindi nagagawa na gusto kong magkaroon ng katuparan. At si Tsinoy naman – naalala ko ‘yung mga panahon na napaka-idealistic ko sa relasyon. ‘Yung tipong gusto ko parang romantic movies ang lahat na may happy ending. Gusto kong gawin namin ‘to, pumunta sa ganito, magdate sa ganitong lugar. May plano ang halos lahat ng gagawin.

Sa pag-iisip ko pa, natanto kong nagbabago pala talaga ang pagtingin natin sa relasyon. Malayo na ko kay Mond pero hindi ko rin naman masabing mas malapit ako kay Tsinoy. Siguro mas realistic lang ako ngayon. Siguro mas tinatanggap ko na ang katotohanan na hindi naman nakukuha sa mga relasyon (o sex) ang kasiyahan ng isang tao. Siguro may mga natutunan na nga ako sa limang taon na paghihintay ko sa taong para sa akin. At sana kahit hindi siya dumating, matapang pa rin akong tutuloy sa mga hamon ng aking buhay.

At narealize ko ‘to sa tulong ng Planet Romeo ‘no? Cool.


-----

21 Grams is a 2003 American drama film directed by Mexican director Alejandro González Iñárritu and written by Guillermo Arriaga. It stars Sean Penn, Naomi Watts, Danny Huston, and Benicio del Toro.

Like Arriaga's and González Iñárritu's previous film, Amores Perros (2000), 21 Grams interweaves several plot lines, around the consequences of a tragic automobile accident. Penn plays a critically ill academic mathematician, Watts plays a grief-stricken mother, and del Toro plays a born-again Christianex-convict whose faith is sorely tested in the aftermath of the accident.

Sirena


Ako'y isang sirena
Kahit anong sabihin nila ako ay ubod ng ganda
Ako'y isang sirena
Kahit anong gawin nila bandera ko'y di tutumba
Drum na may tubig ang sinisisid
Naglalakihang mga braso, sa'kin dumidikdik
Drum na may tubig ang sinisisid
Sa patagalan ng paghinga, sa'kin kayo ay bibilib





*Hindi ko inaaako ang lahat ng danas na sinasabi ng kanta pero sobrang astig lang talaga nito! Nakakatuwa! At alam n'yo na, mahilig kasi ako talaga sa sirena. Husay ni Abner Delina dito! Ahi crush ko siya ng very light dati pa :)

Changing Lanes


Halos tatlong buwan din pala akong hindi nakapagsulat dito. Ang dami-dami rin kasi talagang nangyari sa buhay ko. May mga malungkot pero mas marami ang masasaya. May mga pagbitiw at may mga bagong mundo akong sinimulang pasukin. Masyado pang maaga para sabihin kung tama ang mga naging desisyon kong ito pero isa ang sigurado, masaya ako.


After 5 years, finally ay nagdecide na kong magresign sa trabaho. Mahirap sa totoo lang. Masyadong madali ang trabaho ko at napakarami kong nagagawa kahit nasa office ako. Pero dumating na rin ako sa puntong “eto na lang ba ang gagawin ko buong buhay ko?” Kumbaga, wala na kong nakukuhang bago eh. Tsaka hindi talaga maayos mamalakad ‘yung mga bossing namin. Nakakapikon lang. Kaya kinuha ko ang lahat ng lakas at tapang sa katawan ko at nagpasa ng resignation letter. Ganun pala ‘yun no? Pag-uwi ko ng bahay, umiyak talaga ako. Hagulgol. Hindi dahil mamimiss ko ‘yung work ko, kasi ang dami rin talagang memories sa office na ‘yun. Lalo na ‘yung mga tao at teammates ko na napamahal na rin sa akin. 


Pero 27 years old na ko. Kailangan ko na talagang magdesisyon ng matindi sa buhay ko. Habang lumalapit ‘yung last day ko, mas kumokonti ‘yung lungkot. Mas nagiging excited ako sa magiging bagong buhay ko. Lumabas sa comfort zone ko ng 5 taon ganyan. Sa simula lang pala malungkot at mas masasanay ka rin. I had my last day in the office on May 29. Hanap-hanap ng work sa internet, sa mga kakilala. 


Akala ko aabutin lang ako ng ilang linggo pero isang buwan na ang lumipas at wala pa rin akong makitang gusto ko. Ubos na pera ko at literal na palamunin na ko sa bahay. Hindi ko na rin nababayaran ang mga bills ko. Nagsimula akong malungkot. Parang wala kasing magandang nangyayari sa buhay ko. Swerte ako kasi marami talaga akong friends na nagcheer sa akin, reminding me my good qualities and my skills. Hanggang nagdesisyon na ko mag-apply sa isang multi-national HR consulting company na marami sa mga friends ko eh doon din nagwowork. Sabi ko sa sarili ko, kapag natanggap ako rito, tatanggapin ko na. At swerte naman, nakuha ako! Nagsimula ako ‘nung July 16.


Tinanggap ko nito lang na hindi ako risk-taker. Eto ang naging problema ko kaya hindi ako nakagawa ng mga malalaking desisyon sa buhay ko. Kuntento na ko sa kung ano ang meron ngayon, hindi iniisip kung ano ang magiging buhay ko sa hinaharap. Live for the moment ‘ika nga nila. Pero ang problema kasi sa ganun, may mga napapalampas akong oportunidad. Sa pagtanggap ko sa trabaho ko ngayon, isang malaking desisyon talaga siya. Hindi ko naisip kahit kailan na gagawin ko ang mga ginagawa ko ngayon pero nagulat ako kasi nag-eenjoy ako. At hindi ko malalaman ‘yun kung hindi ko tinanggap ‘tong work na ‘to. Nagugulat din ako kasi after ni Destiny, hindi na ko nagkagusto ulit sa isang tao. Mas naging focused ako sa pag-aayos ng career ko. Ngayong medyo settled na ko, tinatry ko ulit tumingin-tingin pero kalma lang. Kung meron eh di happy at kung wala ayos lang din. Mas hati na ‘yung oras ko sa trabaho at sa mga kaibigan ko. Hindi ko naman sinasara ang posibilidad pero nakakapagod din kasi talaga. Darating din ‘yun.


Paano ko ba tatapusin ‘to? Siguro kung may sumusubaybay man dito sa blog ko, gusto ko lang malaman mo (n’yo) na masaya ako. Ang tagal kong hinintay ‘yung ganitong pakiramdam. Wala masyado drama, sa wika nga ng mga friends ko, jamjam lang. At pipilitin kong mapanatili ito.



-----

Changing Lanes is a 2002 drama-thriller film directed by Roger Michell and starring Ben Affleck and Samuel L. Jackson. It was released on April 12, 2002 in North America by Paramount Pictures.