Wednesday, October 12, 2011

Imagine That


Scene 1:  Ext. Kalsada. Mga sasakyan. Madaling-araw.

Sa loob ng isang taxi, makikita ang isang lalaki. Naka-long sleeves. Nag-iisip. Madadaanan ang ilang mga poste na may ilaw. Bilog ang buwan.

Tutunog ang radyo ng taxi. Maririnig ang boses ni Ariel Rivera. “Sana Ngayong Pasko” ang awitin.

Zoom in ang camera sa lalaki sa taxi. Mababakas ang biglang pagbabago sa kanyang mukha. Ang kaninang nag-iisip ay mapapalitan ng kalungkutan. Titingin siya sa bintana ng taxi.

End of Scene 1.

Ganito ang nangyari sa akin kaninang umaga. Ganito ko rin ito gustong isipin. Ewan ko ba pero madalas pakiramdam ko, isang pelikula ang buhay ko. O kaya isang music video na pinapalabas sa MTV. Puwede ring isang reality show na pinapanuod ng maraming tao.

Gustong-gusto ko maglakad sa isang daan na may iilang ilaw lamang mula sa mga poste habang malamig ang hangin. O kaya habang umaambon. Pakiramdam ko, tumitigil ang mundo at nakatingin lamang ito sa akin. Minsan naman, habang naglalakad at suot ko ang iPod ko, nagbabago ang paligid ko. Nagiging sepia, nagiging makulay depende sa tugtog. Bumibilis o kaya nagiging slow-motion. Parang soundtrack ganyan.

Hindi ko na matandaan kung kailan ko naramdaman na nasa isang pelikula lagi ako. Pero ang sigurado, mas dumalas siya noong naging single ako. Siguro sa dalas kong manuod ng mga pelikula, na laging mga romantic comedies pa, naapektuhan na ang sensibilidad ko. Isabay mo pa ang mga dulang napanuod at sinalihan ko, hindi naman nakakapagtakang maging ganito ako mag-isip.

Kaya lang kasi, nakakatakot. Madalas kasi malayo sa realidad ng buhay. Lagi kong dinadagdagan ng romansa ang mga bagay at desisyon ko. At kapag nagising na ko sa katotohanan, ang resulta ay sakit lang sa damdamin. Mabuti nga ngayon na medyo matanda na ‘ko at kahit paano, kilala ko na ‘yung sarili ko. ‘Yung sakit, isang iyak lang tapos tulog o kaya konting inom, puwede nang maremedyuhan. Kung ‘nung bata-bata siguro ako, baka naglaslas na ‘ko. 

Isipin n’yo naman ang mga trip ko. May isang tao na akala ko mahal na mahal ko. Aalis na siya papunta sa ibang bansa. Hindi ko masabi ‘yung nararamdaman ko kasi iniisip ko, “Paano kung mahal niya rin ako? Hindi ba siya sasakay sa eroplano at magbabago ang kanyang mga plano para sa akin?” Wow ‘diba? Ayan agad ang naisip ko, hindi muna ‘yung katotohanan kung gusto niya nga ako.

Meron naman, super crush ko kasama ko sa isang bar. Pakiramdam ko, tumitigil ang mga tao sa pagsasayaw kapag kaming dalawa na ang nasa dance floor. Tipong naka-freeze sila habang solong-solo namin ‘yung mundo.  Ang adik lang ‘diba?

Gusto ko rin yung mga atake sa mga restaurant. Tipong candlelight dinner tapos tatanungin ko siya kung mahal niya ba ako. Ang perfect ng moment pero paano kung disaster ang sagot niya?

Lahat na yata ng mga kaibigan ko nasabing tigilan ko na ‘yung mga kahibangan na ‘to. Kaya nga ngayong taon na ‘to, binawasan ko talaga ang panunuod ko ng mga romantic movies. Kahit gustung-gusto ko, pinigilan ko talaga. Nakatulong naman sa akin kahit paano. Pero may mga pagkakataon, hindi ko pa rin talaga maiwasan. Kasi hindi lang naman sa pelikula nangyayari  ‘yun diba? May mga videos nga sa youtube na nagpapakita na posible ‘rin talaga. OA na kung OA, pero napapaluha talaga ako kapag napapanuod ko sila.

Napakinggan ko ‘rin ‘yung kanta ni KC Concepcion na Not Like the Movies. Pakiramdam ko, sinampal ako ‘nung unang beses ko marinig ‘yun. Lahat ng linya sakto sa akin eh. Kaya nga kapag lumilipad na naman ang puso ko sa mga imahinasyon ko, nakikinig lang ako sa kanta na ‘yun. Ibinababa ako nito sa lupa.



PS
Paano naman yung sinabi ni Shakespeare sa As You Like It,

“All the world’s a stage,
And all the men and women are merely players.”

Baka naman hindi masama ang ginagawa ko, after all. Haha. Ayaw talaga magbago eh. :P

-----

Imagine That is a 2009 comedy-drama film starring Eddie Murphy, Thomas Haden Church, Nicole Ari Parker, Martin Sheen, Marin Hinkle, and Yara Shahidi. Imagine That takes place in Denver, Colorado, (which can be identified by the skyline and landmarks). It centers on the relationship between a workaholic father (Eddie Murphy), and his daughter, Olivia (Yara Shahidi), whose imaginary world becomes the solution to her father's success. Among the cast is veteran actor Ronny Cox who last starred with Eddie Murphy in his blockbuster series,Beverly Hills Cop. This was the last Nickelodeon movie in the 2000s, and before the logo change.

Thursday, October 6, 2011

The Truman Show


Hindi ako sigurado kung ano ang gusto kong sabihin sa entry na ‘to. Hindi ko rin alam kung ano ang magiging epekto nito sa akin at sa ilang makakabasa nito. Pero isa lang ang totoo – kailangan kong sabihin ang mga ito. 

Siguro sa lahat naman ng nagiging blogger na gaya ko, naroon ang intensyon  na magbahagi ng kanilang sarili. Sumusulat tayo kasi gusto natin buksan ang bahagi ng mga sarili natin sa ibang tao. Kung hindi man mga kwento tungkol sa mga pangyayari sa ating buhay, mga obserbasyon at naiisip sa ilang mga kaganapan sa ating paligid. 

Sumusulat tayo kasi may gusto tayong sabihin. Kung makakaugnay man, mamumuhi, matatawa o kaaawaan tayo ng makakabasa nito ay hindi natin kontrolado. Dito lumalabas ang pagiging dinamiko ng tao – bawat isa ay masasabing nag-iisa batay sa kanyang ugali at pagtingin sa mundo.

Hindi ko naman itatanggi na may takot din ako nang magsimula akong magsulat dito sa blog ko. Pero napawi ito ng mga komento at hits na natanggap ko. Kahit paano, may mga tao palang nagbabasa sa mga nasusulat ko rito. Sa pag-usad ng mga kwento, hindi ko rin itatanggi na umasa akong sana, may mga taong makarelate sa akin. Ayokong isipin na ako lang ang nakakaranas ng mga pangyayari sa akin. Hindi man katulad na katulad pero kahit kaunting pagkakahawig sa nangyari sa akin.

May mga nasulat ako tungkol sa mga kamalasan at nakakaaliw na istorya tungkol sa pakikipag-EB. Hindi ko naman naisip na maaari silang pag-ugatan ng maling nosyon tungkol sa pagkatao ko. Hindi ako naninisi – alam ko naman na posibilidad talaga ang mga ito.

Pero masyadong makulay ang buhay ko para makahon sa blog na ito na ilang buwan pa lang naman na nandito. Wala pa nga yata sa isang porsyento ng kwento ko ang nandito. Wala akong intensyon na kaawaan  nang dahil lamang sa mga kwento ko. Oo apat na taon akong single pero hindi naman ako naging miserable sa apat na taon na ‘yun. Marami akong kaibigan na lagi akong dinadamayan. May trabaho ako, estudyante ako at nagtatanghal sa teatro.

Importante ang relasyon. Naniniwala ako diyan. Pero hindi naman ako nagpapakupot sa ideyang ito. Hindi sa pagmamayabang, pero disente naman akong tao. May mga ilan na rin namang nagparamdam at nagsabi ng kanilang intensyon pero hindi natuloy kasi hindi ko sila gusto.

Oo importante sa akin ang atraksyon. ‘Yung koneksyon kung magkiklik ba kaming dalawa. ‘Yung kayang suportahan ang mga hinihingi ng relasyon.

Laging sinasabi ng mga kaibigan ko, “bakit hindi na lang si ganito, si ganyan eh tutal gusto ka naman niyan…” At lagi ko rin sinasabi, hindi ako naging single ng apat na taon para lang magsettle sa kung ano ang meron o kung sino ang nandiyan. Kasi hindi ba, ang tagal ko na ring naghintay eh, kaya umaasa ako na ‘yung magiging karelasyon ay gusto ko talaga. At kahit sinasabi ng iba na hindi naman importante ang itsura, patawad pero kahit paano, kailangan mong ikonsidera ‘yun. Mahirap makipagrelasyon ng wala kang kahit man lang limang porsyentong atraksyon sa magiging karelasyon mo.

Hindi ko alam kung totoo ito sa maraming tao, pero ayoko ng puwede na. Kung may natutunan man ako sa mga produksyon ko sa teatro, ito ay ang laging ibigay ang pinakamahusay na pagtatanghal. 26 years old na ko. Tapos na ako sa panahon ng paglalaro at pag-eeksperimento. Kung makikipagrelasyon ako ngayon, gusto ko ‘yung pangmatagalan na kung hindi man panghabambuhay.

Importante ang respeto. Pagtanggap. Eto ako at kailangan mong yakapin ang buong pagkatao ko kung gusto mo akong maging kaibigan. Marami na akong naging karanasan sa buhay at pinapatingkad nito ang kabuuan ko sa ngayon. Nabasa ko sa twitter ‘nung isang araw, hindi naman daw mahirap maghanap ng magmamahal sa atin. Mahirap lang daw maghanap ng mahal mo rin. At naniniwala ako ‘ron. Kaya nga tinatanggap ko ang katotohanan ng pagtanggi sa akin kasi sa proseso, may mga ilang tao rin naman akong tinanggihan. Sabi nga ng kaibigan ko, “it’s a tie lang.” Ganito talaga ang sistema eh. Kailangan ko lang talaga maghintay at magdasal na isang araw, magtatagpo rin ang aming landas.

Hindi ko alam kung ilang taon pa ‘yun pero sana malapit na. Maghihintay ako.

------

The Truman Show is a 1998 American satirical comedy-drama film directed by Peter Weir and written by Andrew Niccol. The cast includes Jim Carrey as Truman Burbank, as well as Laura Linney, Noah Emmerich, Ed Harris and Natascha Macelhone. The film chronicles the life of a man who is initially unaware that he is living in a constructed reality television show, broadcast 24-hours-a-day to billions of people across the globe. Truman becomes suspicious of his perceived reality and embarks on a quest to discover the truth about his life.