Thursday, September 1, 2016

Fatal Attraction

Umalis ka na pala. Hindi man lang ako nakapagpaalam.

Ang daming emosyon. Pero alam ko, pinakamarami 'yung lungkot. Tsaka panghihinayang.

Hindi na ko kakabahan tuwing bubukas 'yung elevator sa 3rd floor kasi baka bigla kang sumakay. Hindi na hahaba 'yung leeg ko kakatingin kung nasa smoking area ka sa baba ng office. Hindi na mawawala 'yung atensyon ko sa speaker kapag town hall kasi madalas ikaw ang hinahanap ko. Hindi na ko magmumukhang ewan kapag magkakasalubong tayo - habang nagpapanggap na wala lang ang presensya mo.

Mamimiss ko 'yun.

Nakakatawa kung paano nagsimula 'yung kwento natin dalawa. Or mas kuwento ko sa'yo kasi hanggang ngayon hindi ko alam kung nagkaroon ba ko ng epekto sa buhay mo.

Second year college ako. Freshie ka. Magkaklase tayo sa Anthropology 10. Nung college, naniniwala ako na dapat sa lahat ng klase ko, may magiging crush ko para ganahan ako pumasok. Unang araw ng klase, parang wala akong mapili sa klase natin. Pero siguro after ilang meetings, napansin kita. Sabi ko sa sarili ko, "parang cute 'to." Groupie kayo sa klase, kasama mo lagi 'yung mga kaibigan mo sa UPIS. Typical freshies. Hindi naman kasi ikaw 'yung mala-atom araullo na mapapalingon ka talaga. Ikaw 'yung tipo ng cute na habang tumatagal, sumasarap sa paningin. Naalala ko tinanong ka pa ng prof natin - "bakit yan ang pangalang mo?" Sabi mo, "sabi po kasi ng mama ko mukha raw po akong anghel nung pinanganak ako..." Tawanan sa klase, pero ako kilig na kilig.

Bihira tayong magkatabi sa klase. May isang beses, nakaupo ka sa likod ko. Boring 'yung topic kaya ang ginawa ko, nagdoodle ng pangalan mo nang paulit-ulit sa notebook ko. Hindi mo naman kita kasi matangkad ako. Tapos bigla mo ko kinalabit. Sabi mo, "puwede pakuha ng ballpen ko sa ilalim ng chair mo?" Eh ako naman si gago, biglang yumuko at hinanap 'yung ballpen mo sa ilalim ng upuan ko. Pagkabigay ko nung ballpen, nakangiti ka na. Pagtingin ko sa desk ko, nakabukas pala 'yung notebook ko na punung-puno ng pangalan mo. Gusto ko biglang kainin ng lupa.

Araw-araw yata kitang bukambibig nun sa bestfriend ko. Nacurious si gago, sabi sit-in daw siya sa klase natin. 1130 'yung klase natin, pero 1115 pa lang andun na kami. Si bestfriend inip na inip na yatang makita ka kaya hindi na napansin na dumating ka na at umupo sa likod. Hindi na nakatiis si bestfriend. Tumayo siya tsaka tinanong ako ng malakas - WALA PA BA 'YUNG J.A NA YAN?" Nagtinginan sa klase. Gusto ko mawala. Una kasi magkakakilala naman kami sa klase at pangalawa, nasa loob ka na kasi at sigurado akong narinig mo 'yung tanong. Parang wow siya oh, "nagpasit-in para ipakita 'yung crush?"

Hindi mo na siguro naalala 'yan. Hindi nga tayo naging friends sa loob ng sem na 'yun. Pero crush pa rin kita. Bilang marami tayong common friends, nalaman ko na may girlfriend ka na at masaya kayong dalawa. Nakikita ko kayo minsan sa college mo tsaka sa CASAA. Kinikilig pa rin ako.

Panibagong taon. Lantern Parade 2004. Bilang bida-bida ako sa college ko, kasali ako sa performance pagdating sa Quezon Hall. Nung kami na 'yung sasayaw, bigla ka na lang sumulpot sa harap ko hawak 'yung camera mo. Hindi ko alam kung paano ko naitawid 'yung sayaw na 'yun.

May isang beses naman may activity kami sa org. Fund Run aka mamalimos ng naka-costume. Ako si Lastikman at sakto lang talaga na pagdaan sa college mo, nandun ka. Tawa ka ng tawa sa costume ko habang hindi ko na alam kung saan ko pa ilalagay 'yung hiya.

Habang tumatagal, may mga naririnig akong chismis na bading ka na raw. May isang taga-film (na tagal kule rin) na maputi na lagi mong kasama. Minsan nakakasabay ko pa kayong dalawa sa ikot. May kurot sa puso ko, pero ayokong aminin.

Ang pinakamalala ko yatang nagawa nung college ay 'yung nakita kita sa jeep, sa tabi ng driver habang nagpupuno ito ng pasahero pa-katips. Kasama ko 'yung mga gago kong orgmates tapos tinuro kita, sabi ko "yun 'yung crush ko oh..." Sila gago, lumapit sa jeep, tinayuan ka para iinspect tapos sabi nila, "ah cute naman pala 'yung crush ko." Jusko hiyang-hiya ako sa nangyayari tapos kitang-kita ko 'yung pagkalito at pagkainis sa mukha mo. After nun, tuwing magkakasabay tayo, masama na tingin mo sa akin.

2006. Tapos na ko. Ikaw may isang taon pa. Nagtatrabaho na ko hanggang isang beses naalala kita. Hinanap kita sa internet. Lumabas ang pangalan mo pati na rin 'yung email address mo. Hindi ko alam kung ano 'yung sumapi sa akin pero nag-email ako sa'yo. Sabi ko, sobrang crush kita. Oo sobrang sabog pero hindi ka naman nagreply. Hindi ko nga alam kung nabasa mo 'yun.

May mga pangyayari na feeling ko kung hindi nangyari, baka naging iba 'yung relasyon natin. Baka umabot tayo kahit man lang friends. Pero nangyari na eh. Wala namang rewind button.

Lumipas 'yung mga taon, may nagbalita sa akin na nag-apply ka raw sa NGA. From IBM, lumipat ka ng NGA. Four years ago, I started working in NGA. Eto na naman tayo. Nasa isang kompanya lang.

Naalala ko pa 'yung unang beses na nakita kita sa 4th floor. Totoo 'yung nagbablur 'yung paligid mo. Tapos hindi ako makahinga tsaka parang sasabog 'yung tibok ng puso ko sa lakas. Kaya lang after a month, nagdecide kang umalis ng NGA. Malas ko naman.

Isang taon ang lumipas, 2014 na. Bumalik ka sa NGA. Tumalon na naman ang puso ko. Nung unang beses kita ulit nakita pagkabalik mo, may nag-IM sa akin na nasa 4th floor ka raw. Ang surreal. 'Yung tibok ng puso ko, ibang-iba. Ang saya na kasama na ulit kita. Naalala ko 'yung isang beses na nakacostume ka ng Aladdin sa halloween sa office. 'Yung kinausap mo 'yung common friend natin sa loob ng elevator. 'Yung magkasunod tayong nakapila sa Family Mart. Yung kumain ka sa Jollibee. Yung may tinanong ka malapit sa work station ko.

Siguro wala pa sa 50 'yung beses na nakita kita sa office. Pero ayos lang. May ibang pagkabuo sa akin tuwing nakikita kita. Parang laging kulang pero alam ko namang may susunod pa. Hindi ko na alam kung ilang beses pinlano ng mga common friends natin na iset-up tayo ng lunch para lang magkaroon ng closure sa part ko at kung puwedeng maging magkaibigan tayo. Nakakalungkot din kasing isipin na sa halos 12 years kitang kilala, isang beses mo lang ako kinausap.

Ang duwag-duwag ko naman lagi. Kahit nabalitaan ko nung June na aalis ka na raw at magmamigrate sa Australia, wala pa rin akong ginawa. Hindi man lang ako nakapagsorry kung nabastos ka ba sa ginawa ng mga orgmates ko nung college. O sa napakastalker na email ko nung 2006. Hindi ko man lang nabago kung anuman 'yung image na nalikha ko sa utak mo, o kung naalala mo ba lahat ng nangyari. Kasi posible naman talagang wala lang at ako lang ang mukhang gago sa mga nangyari.

Mula nung umalis ka, ilang beses ko ring hinanap 'yung pangalan mo sa IM natin sa office. Minsan offline, minsan busy. Bihira 'yung available ka. Grabe 'no? Ang lapit natin pero parang ang layo-layo.

Sabi nila habang may buhay, may pag-asa. Sobrang cliche yes, pero totoo naman diba? Aasa pa rin ako na dumating 'yung panahon na makausap kita - para maexplain ang lahat.

Pero sa ngayon, hangad ko na sana maging sobrang masaya ka sa Australia. Iwas-iwas sa inom, baka kung mapano ka. Abang na lang ako sa facebook kung magbabago ka ng profile picture kasi 'yung lang ang access ko sa'yo. Hindi ko alam kung bakit, pero adik na adik pa rin ako sa'yo.

-----

Fatal Attraction is a 1987 American psychological thriller film directed by Adrian Lyne and starring Michael Douglas, Glenn Close, and Anne Archer. The film centers on a married Manhattan man who has a weekend affair with a woman who refuses to allow it to end, resulting in her becoming obsessed with him. The film was adapted by James Dearden from an earlier 1980 short film by Dearden for British television, Diversion.

2 comments:

  1. Interesante... mahanap nga ang movie na ito

    ReplyDelete
  2. Ramdam na ramdam ko yun. And ang weird na naka-relate ako eh wala naman akong naranasang ganiyan. Husay!

    ReplyDelete