Splash*
M alaki ang pagkahilig ko sa mga sirena. Hindi ko alam kung paano nagsimula ang lahat pero sa pagkakatanda ko, bata pa lang ako, sobrang nahuhumaling na ako sa kanila. Mga apat na taon siguro ako noon , naaalala kong pagguhit ang isa sa pinagkakaabalahan ko. At mga sirena ang madalas kong ginagawa (yung iba ay si Papa Jesus na nasa krus, mga mangingisda na nasa laot, bukirin, mga poster ng pelikula partikular ang “Dito sa Pitong Gatang” nina Nanette Medved at Fernando Poe Jr.). Iba iba ang mga senaryo. May masayang lumalangoy sa ilalim ng dagat, may mga nagpapahinga sa dalampasigan, mga nagtatago sa mga malalaking bato at kung anu ano pa. Hindi pa nga ako nakuntento at pinipilit ko si Mama na iguhit ako ng sirena sa karton ng gatas at pagkatapos ay gugupitin niya at lalaruin ko. Mula sa pagguhit at paggupit ay nauso ang mga laruang sirena. Naalala ko na sobrang pinilit ko si Mama na ibili ako ng mga de-susing sirenang laruan. Makulay ang laruan na yun. ...