The NeverEnding Story (Finale)
Hindi ako nagdalawang isip. Nagpaalam ako sa kaibigan ko at masaya silang lahat para sa akin. Nagkita tayo sa Megamall. Abot-tenga ang ngiti ko. Nanuod tayo ng Kungfu Panda at naghiwalay sa laksa-laksang tao sa Shaw Boulevard. Bago ka sumakay ng bus, niyakap mo ako. Nagulat ako pero lumundag ang puso ko. Tinext kita na nag-enjoy ako sa panunuod natin. Nagtext ka na nag-enjoy ka sa “bonding” natin. Wow. Bonding lang pala sa’yo yun. Pero hayaan na natin. Muli, ang importante nagkasama tayo at nagkaraoon ng oras sa isa’t isa. Kahit alam ko, na matapos tayong manuod ay magkikita kayo nung dinedate mo at doon ko pa nga matutulog. Oo, hinayaan kong maging tanga ako.
Maraming mga kaibigan natin ang nagsasabi na itigil ko na ‘yung ginagawa ko sa’yo. Wala naman talagang pag-asa. May mga gabing, nalulungkot ako. Muli, dahil alam kong kaya kitang paligayahin at ibigay ang mga nais mo. Nananalangin na sana, mas simple na lang ang buhay - yung gusto mo, gusto ka rin. Mas marami sigurong masayang tao ngayon sa mundo.
Nalaman ko makalipas ang ilang araw, kayo na nung dinedate mo. Kung sa pagtatanghal, tila ito na yung cue ko para umeksit sa eksena. Kasi wala na sa akin ‘yung spotlight. Kailangan ko nang bumalik sa backstage, ibalik ang mga hand props at hintayin ang curtain call. Tapos na. Mas malamig ang mga gabi para sa akin.
Tumawag ka isang araw sa akin. Tuwang-tuwa ka sa mga bagong videos ni Britney Spears mula sa kanyang Femme Fatale Tour. Sabi mo, bumalik na ‘yung dating Britney. Tumawag ka kasi alam mong ako ang number 1 fan ni Britney sa ating mga kaibigan. Nawirduhan ako kasi nagpasya na kong tumigil, pero eto ka na naman at parang sinusubok ang aking katatagan. Sa akin na siguro yung problema kasi sa kabila ng lahat, magkaibigan pa rin naman tayo. Kinaya ko. Pinutol ko ang tawag mo at nagtext na lang tayo. Sa wakas, nasabi ko sa’yo yung nararamdaman ko at tanggap ko na yung kapalaran na hanggang ganun lang talaga tayo. Kahit ako, napangitan sa timing. Hindi ko man lang nasabi yung nararamdaman ko sa isang fine dining restaurant, kapiling ng mga kandila at klasikong musika. Sabi mo sa text, sobrang tinetreasure mo yung pagkakaibigan natin. Sa hindi ko na mabilang na pagkakataon, muli, nareject mo ako. ‘Nung mga oras na ‘yun, masasabi kong hindi na ganun kasakit.
Isang Sabado, nakasama ulit kita. Nanuod tayo, kasama ang ating mga kaibigan ng Cinemalaya sa CCP. Aaminin ko, kinikilig pa rin ako sa’yo. Mataas yung energy mo ‘nun. Ang daldal mo. Ang saya-saya hanggang pumasok tayo sa Little Theater at magtabi sa panunuod ng I-Libings. Sayang kasi iba yung schedule mo ‘nung araw na ‘yun kaya isang pelikula lang tayo nagsama. Gusto ko sana ulit sanayin ang sarili ko na makita ka bilang isang kaibigan, katropa. Kahit paano, aaminin kong naging mabuti ka namang kaibigan talaga sa akin. Pero nung Linggo, ginulat mo ako. Pagkatapos kong manuod ng “Ang Babae sa Septic Tank”, nakita kita sa CCP na kasama ang ka-date mo. Magkasama kayong nanuod. Hindi ako handa. Masakit sa puso, kaya agad akong pumasok sa Huseng Batute para sa screening ng “Teoriya.” Oo, nagfeeling ako ‘nun. Pero ang sakit din kasi talaga. Natapos ang pelikula at muli ko kayong nakita sa lobby ng CCP. Kailangan kong tanggapin ang katotohanan sa ating dalawa. Kaibigan lang ako. Nilapitan kita at nakipagkwentuhan. Lumayo ang ka-date mo at hindi mo tuloy siya napakilala sa’ken. Sabi mo, last na “date” n’yo na yun kasi babalik na sa probinsya ‘yung kasama mo. Natuwa ba ako sa narinig ko? Hindi ko na maalala.
Nitong Biyernes lang, nagpost ako sa twitter na wala akong lakad pagkatapos ng trabaho ko. Maya-maya, tumawag ka at tinanong kung gusto kong magdinner kasama ang isa pa nating kaibigan. Kahit kasalukuyang kaming magkaaway nung isasama natin, pumayag ako. Kasi kasama ka. Nagkita tayo sa Quezon Avenue station. Umuulan ng malakas at wala kang dalang payong. Ako ang nagpayong sa ating dalawa. Oo tama ka. Tumigil ang mundo para sa akin. Mula MRT hanggang sa Friuli sa teacher’s village, pakiramdam ko akin ka. Nakikinig sa mga kwento mo at tumatawa sa mga biro mo. Paulit-ulit kong sinasabi na naiinis ako dahil late ang kasama natin, pero ang totoo, ayoko na siyang dumating. Mukha akong tanga pero naisip ko na baka naman tayong dalawa lang talaga, at dinadamay mo lang ang kaibigan natin para hindi ka halata na niyaya mo ko ng “date”. Ang sarap isipin. Para akong nasa magic carpet habang tumutugtog ang A Whole New World. Hanggang may nagpatay ng ilusyon ko. Dumating ang kaibigan natin. Pero salamat sa’yo kasi nagkabati kami nung gabi na ‘yun. Matapos ang dinner, pumunta tayo sa Tomato Kick. Uminom at nagpakasaya. Magkatabi tayo buong gabi. Dumating ang iba ko pang mga orgmates. Napuno ng tawanan ang lugar. Nagpakalango tayo sa alak. Pero sa hindi malamang kadahilanan, naduwag yata ang tiyan ko. Sumuka ako. Isa, dalawa, tatlo, hindi ko na mabilang. Nakakahiya pero umiikot talaga ang panigin ko. Hinimlay ko ang ulo ko sa balikat mo. Nararamdaman ko ang tapik mo sa hita ko at paulit-ulit na paninigurado kung okay lang ako. Wala kang reklamo kahit 30 minuto ata akong nakatulog sa balikat mo. At kahit amoy suka pa ko. Isa kang tunay at maaasahan na kaibigan ‘nung gabi na ‘yun. Pero higit pa sa isang kaibigan ang turing ko sa’yo nun. Ikaw ang aking knight in shining armor.
Umuwi tayo at napagpasyahan na sa inyo na ako matutulog dahil na rin sa kalunos-lunos na aking sinapit sa ating inuman. Nakakatawa kasi ang plano ko, aarte lang ako na lasing kunwari, pero kinarma ata ako at natuluyan. Aaminin ko rin, pinangako ko sa sarili ko na kailangang makaniig kita ‘nung gabi na ‘yun. Tutal hindi na rin naman naging tayo, matikman man lang kita. Napakamakasarili ng mga plano ko ‘nun. Pero dahil sa karma ko, ayun at hindi ako masyado makakilos. Pagkababa sa taxi, kinuha mo ang kamay ko at nilagay sa balikat mo. Tumitili na sa kilig ang puso ko, pero natatalo ito ng umiikot na paningin ko. Pagkaakyat sa kwarto mo, naghubad agad ako at binigyan mo ko ng damit. Dumamba sa malambot mong kama at pinikit ko ang aking mga mata. Naramdaman ko na kinumutan mo ako. Kung kaya ko lang ang sarili ko, nayakap siguro kita.
Nakatulog ako. Nagising ng mga bandang alas-singko ng umaga. Ang lamig-lamig sa kwarto mo dahil nakabukas ang aircon. Hindi ko alam kung maiinis ako sa nakita ko. Nakahiga ka sa ibaba ng kama! Hindi ko alam kung dala pa rin ng alak ang lakas ng loob na mayroon ako ‘nun. Tumabi ako sayo. Bumalik sa akin yung unang beses na magkatabi tayo. Muli kong naramdaman ang nakakabinging tibok ng puso ko. Pero may plano ako. At kailangan kong isakatuparan ‘yun. Kasi pakiwari ko, kung hindi ko pa gagawin, wala na talagang pagkakataon pa. Malakas talaga ang loob ko. Niyakap kita. Hinalikan ko ang likod mo. Pero bigla kong naramdaman ang pagtibok ng puso mo. Malakas. Parang inuusig ang konsensya ko. Hindi mo tinanggal ang kamay ko pero alam kong gising ka ‘nun. Hinihintay mo siguro kung itutuloy ko ‘yung balak ko. Tumigil ako. Tumayo ka. Lumabas ka ng kwarto. Nahiya ako sa sarili ko. Pagkatapos mo akong samahan at alagaan buong gabi, ganun pa yung ginawa ko sa’yo. Pero ano ang gagawin ko? ‘Yun ang sinisigaw ng isip ko. At alam kong hindi naman tatanggi ang puso ko. Gusto kong makipagniig sa’yo. Gusto kitang pasiyahin. Kahit hindi naman talaga ako ganito, sumugal ako. At buti na lang, tinigil ko.
Bumalik ka sa kwarto. Natulog ulit sa tabi ko. Ako ang hindi na masyado nakatulog. Gusto lang kitang panuorin matulog. Napakadalisay mo sa aking tabi. Isa kang anghel sa aking paningin. Kinuha ko ang aking cellphone at pinicturan ka. Matatawa ka siguro pag nalaman mo ‘to pero hindi ko talaga nakontrol. Para kang masamang gamot sa akin ‘nung mga oras na ‘yun. Adik na adik ako sa’yo. Hindi ko man nagawa ‘yung plano ko, masaya na kong makatabi kang muli sa aking pagtulog. Habang tulog ka pa, tinext na kita. “I love you, D. Salamat sa pag-asikaso sa akin. :D” Ito ‘yung unang beses na nag-I love you ako sa’yo.
Nagising tayo ng mga alas-diyes. Masaya ka at tila hindi mo naman ginawang isyu ang pagyakap ko sa’yo. Umalis ako sa bahay n’yo at hinatid mo ako sa sakayan ng taxi. Masakit na masakit pa ang ulo ko habang nasa taxi ako pero binalikan ko lahat ang mga nangyari sa atin mula nung gabi.
Buong araw akong nag-ukay kasama ang mga kaibigan kong babae. Pagsapit ng gabi, mag-isa na lang akong kumakain sa Taco Bell sa Gateway. Iniwan ako ‘nung mga kasama ko kasi kailangan pa nilang pumunta sa isang speed dating event ng isang kakilala. Matagal akong tumigil sa Taco Bell. Malungkot ako habang naiisip ka. Kasi muli na naman pumasok sa utak ko kung bakit hindi na lang tayong dalawa. Pero muli, babalik na naman ako sa mga argumento kong wala namang kasagutan.
Sa ngayon, hindi ko alam kung ano na naman ang mangyayari sa akin. Hindi ko alam kung ilang araw o linggo ko na naman iisipin ang ideya ng tayong dalawa. Sa pagbabasa ko ng twitter mo, mukhang may bago kang napupusuan. At mukhang gusto ka rin nito. Mag-aabang ba ako ng updates sa inyong dalawa? Ewan ko. Ang alam ko lang, baliw na baliw pa rin ako sa’yo. Kung hanggang kailan, yan ang hindi ko talaga sigurado.
Yung sinabi ko sayo sa FB mo, i2loy mo lang yun!!! Best yung therapy na yun! :D tsaka kantahin mo please yung sinend kong video sayo sa youtube!!! ahahaha. :D smile ka naaa! sayang ang Dome cake!
ReplyDeleteseason 2!season 2!hehehe :)
ReplyDeletegusto ko ang paggamit mo sa salitang niig!artista ka nga! :)
nakapanood ka rin pala ng i-libings july 16 ba ito? naubusan ako ng ticket ng septic tank the next day kaya sayaw ng dalawang kaliwang paa ang pinanuod ko at ang mga shorts :)
haaay Balagtas! pag-ibig nga naman :)
@Ronron: Yup gagawin ko! Salamat po! :D
ReplyDelete@Yehosue: Yup andun ako nung July 16. Andun ka rin? Wow magkasama tayo sa isang lugar. :) Nakatatawa kase naging makata talaga ako dahil sa kanya. BTW, ang cute ng pic mo. Or cute ka talaga? :D
solomot so pogbisito. LOL iong kwentong to? mas oks pa to kesa doon sa akin eh. :)
ReplyDelete@Caloy: Salamat din sa pagdaan dito! Hehe. Mukang mas mapalad nga ang naging sitwasyon ko kesa sayo, pero in the end, sawi pa rin eh. Ganun yata talaga. Move on na lang. :)
ReplyDeletehayyyzz ang ganda ng kwento mong ito... nagustuhan ko kahit nakakalungkot... hay layp...
ReplyDelete--------
"bakit di na lang yung taong gusto mo eh gusto ka rin para masaya ang mundo"
Hi Egg! Salamat at nagustuhan mo. Ang lungkot-lungkot nga nito. Hindi siguro sapat ang mga salita noon para mailarawan ang nararamdaman ko. Pero alam mo ba, mukang okay na ako. Hindi okay na okay, pero masaya naman. Nagkikita pa rin kami ni D kase nasa isang barkada lang kami pero mas tanggap ko na yung relasyon namin. Sabi ko naman sa kanya, kahit ano mangyari, andun lang ako para suportahan siya. :)
ReplyDelete