Splash*





Malaki ang pagkahilig ko sa mga sirena. Hindi ko alam kung paano nagsimula ang lahat pero sa pagkakatanda ko, bata pa lang ako, sobrang nahuhumaling na ako sa kanila. Mga apat na taon siguro ako noon, naaalala kong pagguhit ang isa sa pinagkakaabalahan ko. At mga sirena ang madalas kong ginagawa (yung iba ay si Papa Jesus na nasa krus, mga mangingisda na nasa laot, bukirin, mga poster ng pelikula partikular ang “Dito sa Pitong Gatang” nina Nanette Medved at Fernando Poe Jr.). Iba iba ang mga senaryo. May masayang lumalangoy sa ilalim ng dagat, may mga nagpapahinga sa dalampasigan, mga nagtatago sa mga malalaking bato at kung anu ano pa. Hindi pa nga ako nakuntento at pinipilit ko si Mama na iguhit ako ng sirena sa karton ng gatas at pagkatapos ay gugupitin niya at lalaruin ko.

Mula sa pagguhit at paggupit ay nauso ang mga laruang sirena. Naalala ko na sobrang pinilit ko si Mama na ibili ako ng mga de-susing sirenang laruan. Makulay ang laruan na yun. Plastik ang kabuuan nito at kulay ginto ang kanyang buhok. Kapag sinusian mo siya at iniwan sa isang palangganang may tubig, lalangoy siya ng kusa. Aliw na aliw ako noon at yun lang yata ang ginagawa ko buong maghapon. Hanggang masira ang sirena at hindi na napalitan ng bago.

Isang araw naman, habang naggogrocery kami nina Mama sa Uniwide sa Edsa Central ay may nakita akong maliit na manikang sirena. Nakakatuwa kase natatanggal yung buntot niya na gawa sa goma at nagiging tao siya. Dalawa ang kulay nito, isang pink at isang light blue. Kung ano ang kulay ng buhok nito (na maaring suklayin) ay ganuon din ang kulay ng magiging buntot nito. Siguro nasa mga walumpung piso ang halaga ng maliit na manikang sirenang iyon. Mula noong araw na nakita ko yun ay hindi na ako makatulog. Gusto ko tong bilhin pero lumalaki na ako nuon at baka anu pa ang sabihin sa akin ng Mama ko. Pero gusto ko talaga siya kaya noong sumunod na beses na pumunta kami sa Uniwide ay pinilit ko si Mama na ibili saken ang laruan na yun. Pumayag naman siya at sobrang tuwang tuwa ako nung umuwi kami. Kulay pink ang nabili ko. Sa loob yata ng isang linggo, ang laruan lang na iyon ang hawak ko. Tumagal din ng mga 3 taon sa akin ang laruan na yun. Mula sa napakahaba niyang buhok ay naging hanggang balikat na lamang ito. Gaya ng mga tao, naniniwala ako na dapat ay may bago ring look ang aking sirena.

Nanghihinayang ako at hindi ko na mahanap yung laruan na yun. Kahit sana yung buntot lang na kulay pink pero wala na talaga. Napunta na rin kase sa kapatid kong babae yun at tinaggal na niya talaga yung buntot at ginawa na lang niyang anak ni Barbie ang aking mahal na sirena.

Mula sa laruan, hindi rin nakaalis sa aking atensyon ang mga pelikulang tumatalakay sa mga nilikhang kalahating tao at kalahating isda. Tandang tanda ko pa ang mga Dyesebel na pelikula ni Alice Dixson na kapareha si Richard Gomez at ang sumunod na version ni Charlene Gonzalez at kapareha si Matthew Mendoza. Nagkaroon din ng pelikula noon sina Michelle Van Eimeren at si Ogie Alcasid na sirena ang una. Manolo and Michelle (Happy Together) ata ang pamagat no’n na kabisado ko pa ang theme song hanggang ngayon na halaw sa awiting “Happy Together”. (…Isang araw ako’y nangisda sa dagat, aking nakita. / Isang seksing isdang sirena, kayganda ng buntot niya. ) Hindi ko man napanuod sa sine ang mga ito, nakakatutok naman ako kapag pinalabas na sila sa telebisyon. Naalala ko rin yung pelikula na “Splash” na hindi ko naman maintindihan dahil bata pa ako nun pero naaaliw ako kapag nagiging sirena na ang bidang babae. Lumabas din ang sariling version ng ABS CBN na simula ng lahat ng mga fantaserye sa telebisyon ngayon, ang Marina na sinubaybayan ko rin talaga. Sayang nga lang at medyo pinahaba nila ang istorya kaya lumaylay na bago pa man ito magtapos. Minsan nagtataka ako kase hindi ko masyado nagustuhan ang version naman ng Disney sa Little Mermaid. Sa pagkakaalala ko, hindi yata talaga ako updated noong sumikat ito at kahit noong nalaman ko na siya ay hindi ako masyado nagkainteres dahil animation siya.

Natatawa ako minsan kapag naiisip ko ang pasinasyon ko sa mga sirena. Gayang sinabi ko sa isang blog ko na kahit na marami na ang nagbago sa akin, ang pagkahilig ko sa mga sirena ay nananatili. Naaaliw ako sa mga larawan nila at sa ideya na balang araw ay makakakita rin ako ng totoong sirena. At isasama niya ako sa ilalim ng dagat. At sabay kaming lalangoy at makikipaglaro sa mga isda at mga balyena.

-----

Splash is a 1984 American fantasy romantic comedy film directed by Ron Howard and written by Lowell Ganz and Babaloo Mandel. The film was nominated for an Academy Award for Best Original Screenplay. The original music score was composed by Lee Holdridge. It was the very first film released by Touchstone Pictures (then called Touchstone Films).


* Nauna kong isinulat sa aking Multiply site noong August 21, 2008. 

Comments

  1. Ang ikatlong talata ay sooooo gay!applause!! :)

    Up where they walk,up where they run,up where they stay all in the sun!Wanderin free,wish I could be.Part of that world.

    Ako na si Ariel!hehehe ;)

    ReplyDelete
  2. @Yehosue: Haha. Iniisip ko nga ngayon, tinolerate din nina Mama 'yung pagkabakla ko. Pero sa kabilang banda, sino ba ang nagsabi na ang laruang sirena ay para lang sa babae? Lipunan lang naman diba? So hindi rin ito isang pahiwatig ng pagkabakla. Bwahaha. Palusot amf.

    ReplyDelete
  3. ahahaha... alam ko na besfrenn kung asan na yung mga laruan mo... sinunog na ng demonyita mong kapatid. ahahaha... :D

    i agree with yehosue, the 1st part was soooo gay! I love it! alam na yun ng mama mo nuon pa man! ahehehehehe.

    ReplyDelete
  4. @Ronron: Haha. Baka nga. Alam mo minsan, natetempt talaga akong bumili nung Little Mermaid na doll. Haha. Kase ngayon, kahit hindi ko na ipabili kay Mama, kaya ko na. Kaya lang, saan ko naman ilalagay? Lol. Saka na. Pag may sarili na 'kong unit. :D

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Just My Luck

Melancholia

Hiram na Mukha