Wednesday, August 31, 2011

Splash*





Malaki ang pagkahilig ko sa mga sirena. Hindi ko alam kung paano nagsimula ang lahat pero sa pagkakatanda ko, bata pa lang ako, sobrang nahuhumaling na ako sa kanila. Mga apat na taon siguro ako noon, naaalala kong pagguhit ang isa sa pinagkakaabalahan ko. At mga sirena ang madalas kong ginagawa (yung iba ay si Papa Jesus na nasa krus, mga mangingisda na nasa laot, bukirin, mga poster ng pelikula partikular ang “Dito sa Pitong Gatang” nina Nanette Medved at Fernando Poe Jr.). Iba iba ang mga senaryo. May masayang lumalangoy sa ilalim ng dagat, may mga nagpapahinga sa dalampasigan, mga nagtatago sa mga malalaking bato at kung anu ano pa. Hindi pa nga ako nakuntento at pinipilit ko si Mama na iguhit ako ng sirena sa karton ng gatas at pagkatapos ay gugupitin niya at lalaruin ko.

Mula sa pagguhit at paggupit ay nauso ang mga laruang sirena. Naalala ko na sobrang pinilit ko si Mama na ibili ako ng mga de-susing sirenang laruan. Makulay ang laruan na yun. Plastik ang kabuuan nito at kulay ginto ang kanyang buhok. Kapag sinusian mo siya at iniwan sa isang palangganang may tubig, lalangoy siya ng kusa. Aliw na aliw ako noon at yun lang yata ang ginagawa ko buong maghapon. Hanggang masira ang sirena at hindi na napalitan ng bago.

Isang araw naman, habang naggogrocery kami nina Mama sa Uniwide sa Edsa Central ay may nakita akong maliit na manikang sirena. Nakakatuwa kase natatanggal yung buntot niya na gawa sa goma at nagiging tao siya. Dalawa ang kulay nito, isang pink at isang light blue. Kung ano ang kulay ng buhok nito (na maaring suklayin) ay ganuon din ang kulay ng magiging buntot nito. Siguro nasa mga walumpung piso ang halaga ng maliit na manikang sirenang iyon. Mula noong araw na nakita ko yun ay hindi na ako makatulog. Gusto ko tong bilhin pero lumalaki na ako nuon at baka anu pa ang sabihin sa akin ng Mama ko. Pero gusto ko talaga siya kaya noong sumunod na beses na pumunta kami sa Uniwide ay pinilit ko si Mama na ibili saken ang laruan na yun. Pumayag naman siya at sobrang tuwang tuwa ako nung umuwi kami. Kulay pink ang nabili ko. Sa loob yata ng isang linggo, ang laruan lang na iyon ang hawak ko. Tumagal din ng mga 3 taon sa akin ang laruan na yun. Mula sa napakahaba niyang buhok ay naging hanggang balikat na lamang ito. Gaya ng mga tao, naniniwala ako na dapat ay may bago ring look ang aking sirena.

Nanghihinayang ako at hindi ko na mahanap yung laruan na yun. Kahit sana yung buntot lang na kulay pink pero wala na talaga. Napunta na rin kase sa kapatid kong babae yun at tinaggal na niya talaga yung buntot at ginawa na lang niyang anak ni Barbie ang aking mahal na sirena.

Mula sa laruan, hindi rin nakaalis sa aking atensyon ang mga pelikulang tumatalakay sa mga nilikhang kalahating tao at kalahating isda. Tandang tanda ko pa ang mga Dyesebel na pelikula ni Alice Dixson na kapareha si Richard Gomez at ang sumunod na version ni Charlene Gonzalez at kapareha si Matthew Mendoza. Nagkaroon din ng pelikula noon sina Michelle Van Eimeren at si Ogie Alcasid na sirena ang una. Manolo and Michelle (Happy Together) ata ang pamagat no’n na kabisado ko pa ang theme song hanggang ngayon na halaw sa awiting “Happy Together”. (…Isang araw ako’y nangisda sa dagat, aking nakita. / Isang seksing isdang sirena, kayganda ng buntot niya. ) Hindi ko man napanuod sa sine ang mga ito, nakakatutok naman ako kapag pinalabas na sila sa telebisyon. Naalala ko rin yung pelikula na “Splash” na hindi ko naman maintindihan dahil bata pa ako nun pero naaaliw ako kapag nagiging sirena na ang bidang babae. Lumabas din ang sariling version ng ABS CBN na simula ng lahat ng mga fantaserye sa telebisyon ngayon, ang Marina na sinubaybayan ko rin talaga. Sayang nga lang at medyo pinahaba nila ang istorya kaya lumaylay na bago pa man ito magtapos. Minsan nagtataka ako kase hindi ko masyado nagustuhan ang version naman ng Disney sa Little Mermaid. Sa pagkakaalala ko, hindi yata talaga ako updated noong sumikat ito at kahit noong nalaman ko na siya ay hindi ako masyado nagkainteres dahil animation siya.

Natatawa ako minsan kapag naiisip ko ang pasinasyon ko sa mga sirena. Gayang sinabi ko sa isang blog ko na kahit na marami na ang nagbago sa akin, ang pagkahilig ko sa mga sirena ay nananatili. Naaaliw ako sa mga larawan nila at sa ideya na balang araw ay makakakita rin ako ng totoong sirena. At isasama niya ako sa ilalim ng dagat. At sabay kaming lalangoy at makikipaglaro sa mga isda at mga balyena.

-----

Splash is a 1984 American fantasy romantic comedy film directed by Ron Howard and written by Lowell Ganz and Babaloo Mandel. The film was nominated for an Academy Award for Best Original Screenplay. The original music score was composed by Lee Holdridge. It was the very first film released by Touchstone Pictures (then called Touchstone Films).


* Nauna kong isinulat sa aking Multiply site noong August 21, 2008. 

Tuesday, August 23, 2011

Just My Luck

Para iwas muna sa nakakabagabag na drama ng buhay ko, naisip kong ibahagi ang kwentong ito sa blog ko. Hindi naman ‘to paglayo sa tema ng blog ko kasi sabi ko naman jan sa itaas na bahagi, ang buhay ay puno ng drama or comedy rin. Haha. Ewan ko lang kung comedy ba talaga ‘tong kwento na ‘to o isang tragedy ala Oedipus Rex. Pero syempre, magdadahilan ako jan dahil ang depinisyon naman ng tragedy ayon kay Plato (sa kanyang Poetics) ay may pagkakamali sa desisyon at paghusga ng pangunahing tauhan. Sa kwentong ‘to, parang may halo ng divine intervention eh. Oo alam ko naman na dapat sa barangay na ‘ko nagpapaliwanag.
Ganito kasi 'yun. Isang araw, may nagtext sa'kin. Number lang at nagpapacute. Okay naman ako sa konsepto ng textmate pero gusto ko naman malaman kung saang lupalop nila nakuha ang number ko. So more tanong-tanong ako ganyan. ‘Nung una, more pacute pa si koya na kesyo na-wrong send genyan. Eh hindi naman ako tanga at ipinanganak kahapon. So napilit ko rin siya. Pinsan pala siya ng officemate ko dati at nakuha niya yung number ko ‘dun. Pinayagan ko na. Mabait naman katext at malambing. Bordering on jejemon pero ako kasi, naaaliw sa mga ganito kasi pakiramdam ko, ibang mundo yung nabibigay nila sa’kin. O 'diba, ako na ang mataas. Ako na ang mayaman. Hahaha. Pero seryoso, lahat naman may mga pagkakataon na trip lang natin na makipagkulitan at makipag-usap sa isang tao na kakaiba sa mga palagi nating nakakasalamuha.
Wala raw picture si koya. Sabi niya, simple lang daw siya at hindi naman ganun kapogi. Naniwala naman ako. Kasi nga, sweet naman. Ilang araw pa lang kami nagtetext, kinukulit na ko na gusto ko raw ba siyang maging boyfriend at nag-iilove you pa. Medyo nakakaloka pero nakakatuwa pa rin. Wala naman kasi akong lovelife at pampalipas ng oras at napupunuan niya ‘yung kakulangan na ‘yun.  Siguro pagkatapos ng mga dalawang araw, nagyaya na kong makipagkita. Unang beses, hindi siya puwede. Ayaw raw siyang paalisin ng Tita niya at kailangan niya pang magluto. 'Nung una, okay lang sige. Pangalawang beses, siya na nagyaya tapos biglang bumack-out na naman. Eto medyo naasar na ko. Kalevel ba ‘to ni Jericho Rosales at may karapatang paasahin ako? Ang kapal din ah! Ganyan ang mga litanya ko. Sabi ko pa sa kanya, ‘wag na niya akong itext at guluhin. Pero mapilit si koya. Kung makapag-I love you, akala mo napupulot lang ang mga salita na ‘yun.
Tinamad na ko magtext sa kanya. Kahit malandi at mapusok ang mga texts ni koya, pinigilan ko ang sarili ko. Hanggang isang Huwebes ng umaga, siya na mismo ang pumilit sa akin na magkita kami. Kahit medyo inis pa ko, naisip ko, sige pagbigyan ko na para matapos na rin. Wala rin naman akong kahit anong magandang ekpektasyon sa kanya-pero may konting pag-asa na baka naman magclick kami. Lagi naman may pag-asa.
Ang usapan ay magkita sa isang mall sa Pasig ng alas-kwatro ng hapon. Bago pa mag-alas kwatro ay nasa mall na ako at umikot-ikot muna. Nagtext siya. Traffic daw at malelate siya. Sabi ko, siya na nagyaya siya pa late. Pero okay lang. Ang mahalaga, magkikita na kami. Mayamaya, nagtext siya ulit. Gusto niya raw na ibili ko siya ng t-shirt na tribal (aba specific din talaga at medyo makapal ang mukha)! Dahil ayoko naman mabad-trip na, sabi ko na lang sa text na pag-usapan namin pagdating niya. Lumilipas ang mga minuto at wala pa siya. Inis na inis na ko. Ayoko kasi ng late sa mga usapan lalo na at ikaw pa ang nagsabi ng oras. Pero muli, timpi-timpi muna.
Nagtanong ako kung ano ang suot niya kasi hindi ko naman nakita ang picture niya. Aba hindi sumagot! At binalik niya ang tanong sakin. So more sagot naman ako. Eto na. Nasa mall na raw siya. Magkita raw kami sa tapat ng McDonalds. ‘Yung totoo, hindi  sa pagmamaganda ano, wala naman talaga akong ilusyon na pogi itong si koya. In fact, nag-expect ako ng lahat ng worst na puwede mong maisip sa isang ka-EB – mabaho, super bass na taba, marumi at madungis tingnan, baduy genyan. Hindi ako mapanglait pero I’m sure wala naman sa atin ang gustong makameet ng ganyan sa EB. Inisip ko na rin para hindi na ko masaktan at mabigla. Pero may nalimutan pala ako.
Kasi nung paglapit niya sa’kin, si koya pala ay



BINGOT. Yes guys, isa siyang bingot na hindi pa naooperahan. Isipin n’yo yung hiwa mula sa kanyang ilong hanggang sa kanyang labi. Tatambad ang kanyang ngipin.

“Ngori ngeyt aho (Sorry late ako).”
Umecho ang kanyang mga salita. In fairness sakin, mahihiya si Shamcey Supsup sa aking poise under pressure kasi hindi ako tumawa. Or tumakbo. Or tumawag ng sekyu. Hindi ko rin kasi maproseso ng tama ang mga pangyayari. Ang sabi ko na lang yata, tara lakad tayo.
Habang lumalakad kami at paakyat sa 4th floor ng mall ay napakaraming tumatakbo sa isip ko. Panlilinlang, panloloko, katatawanan at kung ano-ano pa. Naisip ko, para namang pelikula ang lahat. Surreal ba. Parang nasa iba akong dimensyon. Kasi naman, hindi ako handa. Major-major kasi yung bingot eh. Sabi nga ng friend ko, isa na itong disability at sana naihanda naman ako. Siguro iisipin n’yo na napakasuperficial ko naman pero kebs! Sige palit tayo. Ikaw kaya makipag-eb sa bingot! Hindi ko nga maintindihan ‘yung ibang sinasabi niya eh. Tsaka hindi naman niya sinabi na bingot siya. Medyo nanloko siya in a way.
Hindi ako tumawa sa buong usapan namin. Tinatanong ko siya kung ano gusto niyang gawin – movie, dinner, stroll – lahat ayaw niya. Sabi ko, sex? Yes folks, pikit mata ko na rin itong tinanong kasi malibog naman kami pareho sa text. Sa akin, para matapos na lang. Aba aba ang sabi ni koya, “ngusto ko, aho  wen (gusto ko, ako rin)”. Para pala kay koya, pag nagsex kami, ako lang ang magbebenefit. So more explain ako na 2 way kase ang sex. At mas mag-eenjoy pa nga siya if ever. Aba ayaw niya pumayag! Kailangan daw may kapalit! Eh diba nga, nabanggit niya sa text ‘yung t-shirt na tribal. Mapilit siya talaga. Pinilit ko naman siya pakitunguhan ng maayos pero sadyang manggagamit si koya. Ang kapal ng mukha! Hindi na ko nakapagtimpi.
“You know what, I’m just 26 years old. I’m working and studying in UP. Now, what made you think na ibibili kita ‘nung gusto mo? At kung magbabayad ako sa sex, I’ll make sure na model type na ‘yung kukunin ko.”
Ayan nafeel ko yung climax ng eksena namin. Hindi naman ako mayabang talaga. Napikon na lang ako kasi kung straight siya, kailangan ba na laging may kapalit basta bading ang kasama nila? Willing naman ako ilibre siya ng dinner and movie pero ayaw naman niya eh. Hindi na siguro kalabisan ‘yung mga alok ko. Pero ‘yung ibili siya ng t-shirt?  My gosh. Hindi ko keri ‘yung ideya na ‘yun. Hindi naman ako sugar daddy. At lalong hindi naman ako desperado para makipagsex lang. Oo mahina ako at single ng apat na taon pero kinaya ko naman. At tingin ko, may mga mabibighani pa rin naman sa itsura ko kahit itanong pa natin sa Mama ko.
After ng aking bonggang lines (feeling ko talaga umiikot ang camera ‘nung binigkas ko sila), sabay tayo at walk-out na rin ako. Tapos nagtext ako ng, “Ingat ka. Sorry but you’re wrong about me.” Mahihiya si Summer ng 500 Days of Summer sa line ko. Pero I meant it that time. I showed him kindness pero ano ang binigay niya?
Habang nasa tricycle ako pauwi sa bahay namin, hindi ko rin talaga nakontrol na tanungin si Papa Jesus kung ano ang gusto niyang ipaunawa sa akin. Doon pa lang kasi nagsisink-in sa’kin yung mga pangyayari. Parang hindi totoo, pero nangyari kasi eh.
Akala ko, hindi na ko uulit makipag-EB matapos ang pangyayaring ito. Pero matigas 'ata talaga ang ulo ko. Matapos ang ilang linggo, nakipag-EB ulit ako. Next time yung kwento.
-----

Just My Luck is a 2006 American romantic comedy film directed by Donald Petrie and written by I. Marlene King and Amy B. Harris. The film stars Lindsay Lohan and Chris Pine as the main characters. Lohan stars as Ashley, the luckiest girl in Manhattan, New York. She loses her luck after kissing Jake, portrayed by Pine, at a masquerade bash.

Thursday, August 11, 2011

Life is a Dream



I dream that I am here
of these imprisonments charged,
and I dreamed that in another state
happier I saw myself.
What is life? A frenzy.
What is life? An illusion,
A shadow, a fiction,
And the greatest profit is small;
For all of life is a dream,
And dreams, are nothing but dreams.

 - from La Vida Es Sueño by Pedro Calderon dela Barca


-----

Life is a Dream is a 1987-film. A baroque mix of revolutionary politics, pop culture, and semiotics, loosely based on the play by Pedro Calderon de la Barca. A young prince learns that life is just a dream from which we wake when we die, and that dreams may be as real as life.

Monday, August 8, 2011

Reality Bites

Sa araw na ito ay yayakapin ko na ang mga katotohanan sa aking buhay.

Ang dami kong napagtanto nitong mga nakaraang araw. May mga masasaya, at mayroon din naming malulungkot. Una na siguro ang tungkol sa Masters ko. Ang totoo, kulang na lang ako ng 6 units (theater elective at cognate) para magtuloy na ‘ko sa aking thesis.  Kaya lang sa semestreng ito, hindi sila nag-offer ng theater elective kaya imbes na pagsabayin ko na, nauwi ako sa 3 units ngayon at ‘yun nga ang aking cognate. Pinili kong kunin ang Panitikan at Lipunan, dahil na rin sa aking paniniwala na malaki ang kinalaman ng lipunan sa uri at mga produkto ng panitikan sa isang partikular na lugar. Naging professor ko na rin ang magtuturo nito kaya naisip kong, magiging masaya naman ang kurso na ito. 
Nagsimula ang klase at mali ang akala ko. Iba ang layunin ng kurso at lubha itong kukuha ng oras at atensyon ko. Noong nakaraang buwan, nahirapan na ‘ko magdesisyon pero binigyan ko pa ng isang pagkakataon dahil na rin sa pakiusap ng mga batchmates ko na kaklase ko rin dito. Noong Huwebes, ang tagal ko pang sinuyod ang library para kumuha ng mga gagamitin ko sa aking paper. Akala ko, okay na ‘yun. Pero nitong Sabado at Linggo, wala talaga akong kagana-ganang basahin ang mga nakuha ko. Ayoko na lokohin ang sarili ko. Wala na talagang pag-asa. Kailangan ko ng i-drop ang kurso na ‘to. 

Naiinis ako sa sarili ko kasi hindi talaga ako sumusuko agad-agad sa isang bagay. Hindi ako ganun. Kapag nasimulan ko, kadalasan tinatapos ko talaga. Pero siguro dala na rin ng marami ko pang isyu sa sarili ko, natupok na rin ang aking pagnanais na paabutin pa ito hanggang Oktubre. Hindi naman siguro kakulangan sa aking pagiging isang estudyante, kung magdrop ng isang kurso. Hindi ko naman ‘to major at maaari naman ako kumuha ng iba pa. Hindi lang ito talaga para sa akin. O maaaring hindi ito ang tamang panahon para kunin ito. Paalam sa’yo, Panitikan at Lipunan.
Gusto ko na rin magpaalam kay D. Natawa ako ‘nung Biyernes kasi nagtweet siya na ibigay ko na raw kasi ang link ng blog ko. Kung alam niya lang na sa limang entries na nandito, tatlo ‘dun siya ang laman. Saka na siguro. Pero tungkol pa rin kay D, naisip ko na kailangan ko na tumigil. Mukha na akong tanga sa walang katapusang paghihintay at pag-asa ko. Hindi na siya makatarungan sa aking sarili. Kung tutuusin, mas marami naman talagang dapat pagtuunan ng pansin – kaibigan, pamilya, trabaho, at sarili. Hindi naman kailangan iasa sa ibang tao ang pagpupuno ng damdamin, o hindi nga ba talaga? 


Hindi pa ako isandaang porsyentong sigurado kung makakalimot ako agad, pero pipilitin ko. Sisimulan ko ngayon. Kailangan ko muling masanay na hindi kagaya ng pelikula, wala naman happy ending sa aming dalawa. Sabi nga ni Jolina sa isang pelikula, “kaibigan mo lang ako.” Masasanay din ako. Nagtext na rin ako kay R, ang lalaking tila nagpapasaya ngayon kay D at nagsabing nadala lamang ako ng aking emosyon kaya ako nakapagtweet ng kung anu-ano sa twitter. Nabalitaan ko kasing natakot at nahiya daw siya sa akin. ‘Yung nahiya, kalabisan ‘ata. Hindi naman ako ang boyfriend ni D. Wala naman akong kontrol dapat. Ayoko naman basta na lang tigilan ni R si D ng dahil sa akin, kasi kailangan talaga ni D ng mga kaibigan. Kaya sabi ko rin sa text, basta alagaan niya lang at huwag saktan si D, magiging masaya na ko.
Nakakatakot harapin ang mga katotohanan na ito na aking hinaharap sa ngayon. Pero kailangan kong tapangan pa para maging matatag at handa sa mga ito. Sana kayanin ko.




-----

Reality Bites is a 1994 American romantic comedy-drama film written by Helen Childress and featuring the directorial debut of Ben Stiller. It stars Winona Ryder, Ethan Hawke and Stiller, with major supporting roles played by Janeane Garofalo and Steve Zahn. The film was shot on location in Austin and Houston, Texas in 42 days. The plot is centered on Lelaina (Ryder), an aspiring videographer working on a documentary called Reality Bites about the disenfranchised lives of her friends and roommates (Hawke, Garofalo, and Zahn), and to a certain degree, about Lelaina herself. Their challenges, both documented and not, exemplify some of the career and lifestyle choices faced by Generation X.

Wednesday, August 3, 2011

The NeverEnding Story (Finale)

Hindi ako nagdalawang isip. Nagpaalam ako sa kaibigan ko at masaya silang lahat para sa akin. Nagkita tayo sa Megamall. Abot-tenga ang ngiti ko. Nanuod tayo ng Kungfu Panda at naghiwalay sa laksa-laksang tao sa Shaw Boulevard. Bago ka sumakay ng bus, niyakap mo ako. Nagulat ako pero lumundag ang puso ko. Tinext kita na nag-enjoy ako sa panunuod natin. Nagtext ka na nag-enjoy ka sa “bonding” natin. Wow. Bonding lang pala sa’yo yun. Pero hayaan na natin. Muli, ang importante nagkasama tayo at nagkaraoon ng oras sa isa’t isa. Kahit alam ko, na matapos tayong manuod ay magkikita kayo nung dinedate mo at doon ko pa nga matutulog. Oo, hinayaan kong maging tanga ako.
Maraming mga kaibigan natin ang nagsasabi na itigil ko na ‘yung ginagawa ko sa’yo. Wala naman talagang pag-asa. May mga gabing, nalulungkot ako. Muli, dahil alam kong kaya kitang paligayahin at ibigay ang mga nais mo. Nananalangin na sana, mas simple na lang ang buhay  - yung gusto mo, gusto ka rin. Mas marami sigurong masayang tao ngayon sa mundo.
Nalaman ko makalipas ang ilang araw, kayo na nung dinedate mo. Kung sa pagtatanghal, tila ito na yung cue ko para umeksit sa eksena. Kasi wala na sa akin ‘yung spotlight. Kailangan ko nang bumalik sa backstage, ibalik ang mga hand props at hintayin ang curtain call. Tapos na. Mas malamig ang mga gabi para sa akin.
Tumawag ka isang araw sa akin. Tuwang-tuwa ka sa mga bagong videos ni Britney Spears mula sa kanyang Femme Fatale Tour. Sabi mo, bumalik na ‘yung dating Britney. Tumawag ka kasi alam mong ako ang number  1 fan ni Britney sa ating mga kaibigan. Nawirduhan ako kasi nagpasya na kong tumigil, pero eto ka na naman at parang sinusubok ang aking katatagan. Sa akin na siguro yung problema kasi sa kabila ng lahat, magkaibigan pa rin naman tayo. Kinaya ko. Pinutol ko ang tawag mo at nagtext na lang tayo. Sa wakas, nasabi ko sa’yo yung nararamdaman ko at tanggap ko na yung kapalaran na hanggang ganun lang talaga tayo. Kahit ako, napangitan sa timing. Hindi ko man lang nasabi yung nararamdaman ko sa isang fine dining restaurant, kapiling ng mga kandila at klasikong musika. Sabi mo sa text, sobrang tinetreasure mo yung pagkakaibigan natin. Sa hindi ko na mabilang na pagkakataon, muli, nareject mo ako. ‘Nung mga oras na ‘yun, masasabi kong hindi na ganun kasakit.
Isang Sabado, nakasama ulit kita. Nanuod tayo, kasama ang ating mga kaibigan ng Cinemalaya sa CCP. Aaminin ko, kinikilig pa rin ako sa’yo. Mataas yung energy mo ‘nun. Ang daldal mo. Ang saya-saya hanggang pumasok tayo sa Little Theater at magtabi sa panunuod ng I-Libings. Sayang kasi iba yung schedule mo ‘nung araw na ‘yun kaya isang pelikula lang tayo nagsama. Gusto ko sana ulit sanayin ang sarili ko na makita ka bilang isang kaibigan, katropa. Kahit paano, aaminin kong naging mabuti ka namang kaibigan talaga sa akin. Pero nung Linggo, ginulat mo ako. Pagkatapos kong manuod ng “Ang Babae sa Septic Tank”, nakita kita sa CCP na kasama ang ka-date mo. Magkasama kayong nanuod. Hindi ako handa. Masakit sa puso, kaya agad akong pumasok sa Huseng Batute para sa screening ng “Teoriya.” Oo, nagfeeling ako ‘nun. Pero ang sakit din kasi talaga. Natapos ang pelikula at muli ko kayong nakita sa lobby ng CCP. Kailangan kong tanggapin ang katotohanan sa ating dalawa. Kaibigan lang ako. Nilapitan kita at nakipagkwentuhan. Lumayo ang ka-date mo at hindi mo tuloy siya napakilala sa’ken. Sabi mo, last na “date” n’yo na yun kasi babalik na sa probinsya ‘yung kasama mo. Natuwa ba ako sa narinig ko? Hindi ko na maalala.
Nitong Biyernes lang, nagpost ako sa twitter na wala akong lakad pagkatapos ng trabaho ko. Maya-maya, tumawag ka at tinanong kung gusto kong magdinner kasama ang isa pa nating kaibigan. Kahit kasalukuyang kaming magkaaway nung isasama natin, pumayag ako. Kasi kasama ka. Nagkita tayo sa Quezon Avenue station. Umuulan ng malakas at wala kang dalang payong. Ako ang nagpayong sa ating dalawa. Oo tama ka. Tumigil ang mundo para sa akin. Mula MRT hanggang sa Friuli sa teacher’s village, pakiramdam ko akin ka. Nakikinig sa mga kwento mo at tumatawa sa mga biro mo. Paulit-ulit kong sinasabi na naiinis ako dahil late ang kasama natin, pero ang totoo, ayoko na siyang dumating. Mukha akong tanga pero naisip ko na baka naman tayong dalawa lang talaga, at dinadamay mo lang ang kaibigan natin para hindi ka halata na niyaya mo ko ng “date”. Ang sarap isipin. Para akong nasa magic carpet habang tumutugtog ang A Whole New World. Hanggang may nagpatay ng ilusyon ko. Dumating ang kaibigan natin. Pero salamat sa’yo kasi nagkabati kami nung gabi na ‘yun. Matapos ang dinner, pumunta tayo sa Tomato Kick. Uminom at nagpakasaya. Magkatabi tayo buong gabi. Dumating ang iba ko pang mga orgmates. Napuno ng tawanan ang lugar. Nagpakalango tayo sa alak. Pero sa hindi malamang kadahilanan, naduwag yata ang tiyan ko. Sumuka ako. Isa, dalawa, tatlo, hindi ko na mabilang. Nakakahiya pero umiikot talaga ang panigin ko. Hinimlay ko ang ulo ko sa balikat mo. Nararamdaman ko ang tapik mo sa hita ko at paulit-ulit na paninigurado kung okay lang ako. Wala kang reklamo kahit 30 minuto ata akong nakatulog sa balikat mo. At kahit amoy suka pa ko. Isa kang tunay at maaasahan na kaibigan ‘nung gabi na ‘yun. Pero higit pa sa isang kaibigan ang turing ko sa’yo nun. Ikaw ang aking knight in shining armor.
Umuwi tayo at napagpasyahan na sa inyo na ako matutulog dahil na rin sa kalunos-lunos na aking sinapit sa ating inuman. Nakakatawa kasi ang plano ko, aarte lang ako na lasing kunwari, pero kinarma ata ako at natuluyan. Aaminin ko rin, pinangako ko sa sarili ko na kailangang makaniig kita ‘nung gabi na ‘yun. Tutal hindi na rin naman naging tayo, matikman man lang kita. Napakamakasarili ng mga plano ko ‘nun. Pero dahil sa karma ko, ayun at hindi ako masyado makakilos. Pagkababa sa taxi, kinuha mo ang kamay ko at nilagay sa balikat mo. Tumitili na sa kilig ang puso ko, pero natatalo ito ng umiikot na paningin ko. Pagkaakyat sa kwarto mo, naghubad agad ako at binigyan mo ko ng damit. Dumamba sa malambot mong kama at pinikit ko ang aking mga mata. Naramdaman ko na kinumutan mo ako. Kung kaya ko lang ang sarili ko, nayakap siguro kita.
Nakatulog ako. Nagising ng mga bandang alas-singko ng umaga. Ang lamig-lamig sa kwarto mo dahil nakabukas ang aircon. Hindi ko alam kung maiinis ako sa nakita ko. Nakahiga ka sa ibaba ng kama! Hindi ko alam kung dala pa rin ng alak ang lakas ng loob na mayroon ako ‘nun. Tumabi ako sayo. Bumalik sa akin yung unang beses na magkatabi tayo. Muli kong naramdaman ang nakakabinging tibok ng puso ko. Pero may plano ako. At kailangan kong isakatuparan ‘yun. Kasi pakiwari ko, kung hindi ko pa gagawin, wala na talagang pagkakataon pa. Malakas talaga ang loob ko. Niyakap kita. Hinalikan ko ang likod mo. Pero bigla kong naramdaman ang pagtibok ng puso mo. Malakas. Parang inuusig ang konsensya ko. Hindi mo tinanggal ang kamay ko pero alam kong gising ka ‘nun. Hinihintay mo siguro kung itutuloy ko ‘yung balak ko. Tumigil ako. Tumayo ka. Lumabas ka ng kwarto. Nahiya ako sa sarili ko. Pagkatapos mo akong samahan at alagaan buong gabi, ganun pa yung ginawa ko sa’yo. Pero ano ang gagawin ko? ‘Yun ang sinisigaw ng isip ko. At alam kong hindi naman tatanggi ang puso ko. Gusto kong makipagniig sa’yo. Gusto kitang pasiyahin. Kahit hindi naman talaga ako ganito, sumugal ako. At buti na lang, tinigil ko.
Bumalik ka sa kwarto. Natulog ulit sa tabi ko. Ako ang hindi na masyado nakatulog. Gusto lang kitang panuorin matulog. Napakadalisay mo sa aking tabi. Isa kang anghel sa aking paningin. Kinuha ko ang aking cellphone at pinicturan ka. Matatawa ka siguro pag nalaman mo ‘to pero hindi ko talaga nakontrol. Para kang masamang gamot sa akin ‘nung mga oras na ‘yun. Adik na adik ako sa’yo. Hindi ko man nagawa ‘yung plano ko, masaya na kong makatabi kang muli sa aking pagtulog. Habang tulog ka pa, tinext na kita. “I love you, D. Salamat sa pag-asikaso sa akin. :D” Ito ‘yung unang beses na nag-I love you ako sa’yo.
Nagising tayo ng mga alas-diyes. Masaya ka at tila hindi mo naman ginawang isyu ang pagyakap ko sa’yo. Umalis ako sa bahay n’yo at hinatid mo ako sa sakayan ng taxi. Masakit na masakit pa ang ulo ko habang nasa taxi ako pero binalikan ko lahat ang mga nangyari sa atin mula nung gabi. 

Buong araw akong nag-ukay kasama ang mga kaibigan kong babae. Pagsapit ng gabi, mag-isa na lang akong kumakain sa Taco Bell sa Gateway. Iniwan ako ‘nung mga kasama ko kasi kailangan pa nilang pumunta sa isang speed dating event ng isang kakilala. Matagal akong tumigil sa Taco Bell. Malungkot ako habang naiisip ka. Kasi muli na naman pumasok sa utak ko kung bakit hindi na lang tayong dalawa. Pero muli, babalik na naman ako sa mga argumento kong wala namang kasagutan.
Sa ngayon, hindi ko alam kung ano na naman ang mangyayari sa akin. Hindi ko alam kung ilang araw o linggo ko na naman iisipin ang ideya ng tayong dalawa. Sa pagbabasa ko ng twitter mo, mukhang may bago kang napupusuan. At mukhang gusto ka rin nito. Mag-aabang ba ako ng updates sa inyong dalawa? Ewan ko.  Ang alam ko lang, baliw na baliw pa rin ako sa’yo. Kung hanggang kailan, yan ang hindi ko talaga sigurado.

Tuesday, August 2, 2011

The NeverEnding Story (Part 2)

Dumating tayo sa bahay n’yo. Konting kantahan at dinner, tapos nagpasya na tayong matulog. Kung dati, sa labas ako lagi natutulog gamit ang sofa bed mo (dahil ayoko ng masikip at umaasa ako na tatabi ka saken), sa pagkakataong ‘yun, pumayag na akong matulog sa kama mo. Dahil lubhang maloko ang kaibigan natin, at alam niya ang pagnanasa kong makatabi ka, nangyari ang dapat mangyari. Si kaibigan, ikaw sa gitna, ako sa kanan mo. Mula alas dose, nag-uusap lang tayo. Patay ang ilaw, malamig ang aircon at tanging ang kaitiman ng gabi ang ating saksi. Walang mga salita ang makakapantay sa sayang nararamdaman ng aking puso.  Nagkwento ka tungkol sa ex mo, sa dinedate mo ngayon at sa mga pangarap mo. Habang nagsasalita ka ay naglalakbay ang diwa ko. Mga posibilidad. Mga pangyayaring puwedeng maganap kapag naging tayo. Oo, hindi ko sinasabi sa’yo. Pero pinapangarap kita. Kasi alam kong mapapaligaya kita. Pumatak na yata ang alas-tres at kusang pumipikit na ang mga mata natin. Nag-goodnight na tayo at nagpasyang matulog. Nakatulog ako pero saglit lang. Ang katotohanang katabi na kita ay sadyang mahirap arukin. Suryal ang bawat minuto at segundo para sa akin. Madilim ang paligid pero mga makukulay na bahaghari at bituin ang nakikita ko. Walang pagsidlan ang galak sa aking puso. Nararamdaman ko ang init ng iyong katawan. Masarap ito sa pakiramdam.
Parang pelikula ang mga susunod na eksena. Kumakabog ang dibdib ko. Hindi naman ako nastroke pero hindi ko magawang igalaw ang katawan ko. Gusto kitang yakapin pero wala akong lakas ng loob. Patuloy ang kabog ng dibdib ko. ‘Yun na lang ang tunog na naririnig ko sa buong kwarto mo. Sumisigaw na sila. At sinunod ko ang bugso ng aking damdamin.
Niyakap kita. Niyakap kita ng buong pagmamahal. Wagas at dalisay na pag-ibig. Matapos ang ilang buwang pag-iisip, ang gabing ‘yun ang patunay ng aking pagtangi sa’yo.  Hindi ko alam kung kailan ako huling umibig, pero alam ko, nung gabi na ‘yun, yun ang nararamdaman ko. Hindi mo man sinuklian ang mga yakap ko, sapat na sakin ang pag-apruba mo sa mga ito.
Umuwi akong buo na ang pasya. Mahal kita.
At gagawa akong paraan para maging tayo. Ayoko namang wala akong gawin para sa nararamdaman ko. Bahala na kung anuman ang maging resulta nito. Ang importante, malaman mo ang pagsinta ko.
Lunes, may concert ang Maroon 5. Napag-usapan natin na gustong-gusto mo manuod pero wala ka namang ticket. Hindi ko alam kung tinulungan ako ng langit pero hindi na tutuloy ‘yung kaibigan ko, at magkakaroon ako ng spare ticket. Wala na ‘kong ibang maisip na isama kundi ikaw. Tinext kita, pumayag ka agad. Para sakin, yun ang unang date natin. Masama na kung masama pero ito yung mga lakad na alam kong hindi kayang ibigay sa’yo ng dinedate mo ngayon. Alam kong mababaw, pero may mga ekspektasyon ka sa isang relasyon. Aminado ka naman ‘dun. Kaya nga nung sinabi mo ‘nung gabi na bakit ka laging napupunta sa mga lalaking walang trabaho, sa isip-isip ko, “tangena, kung ako na lang kasi diba?” Balik sa concert, iba ang epekto saken. Kasabay ng magandang boses ni Adam Levine, pareho nating ninamnam ang mga kanta nila. May mga pagkakataong inaakbayan kita, at ayoko ng matapos ang mga oras.
Martes, Miyerkules, Huwebes. Hindi ko na kayang dalin ang nararamdaman ko sa’yo. Gumawa ako ng isang note sa Facebook at ti-nag ang mga matatalik kong kaibigan. Sa note na ito, kinwento ko ang mga pangyayari na nagbigay sa akin ng desisyon para i-pursue ka. Parang sinabi ko sa mundo na mahal na mahal kita. Hindi ako sigurado kung nabasa mo ang note na ‘to. Wala akong narinig sa’yo.
Sabado, tinext kita. Niyaya kitang manuod ng Kungfu Panda. Hindi ako masyadong nag-expect pero pumayag ka. Ala-una ang usapan natin kasi sabi mo, kailangan mo pang kitain ang ka-date mo pagkatapos. Okay lang sa akin. Ang importante kasama kita. Pumayag ka. Pero biglang umulan. Malakas na ulan. Nagtext ka na baka mahassle tayo. Sabi mo, next time na lang. Nalungkot ako, pero okay lang. Totoo namang baka mahassle tayo. Sa likod ng isip ko, pati ba naman ang langit ayaw pumayag sa lakad namin?
Lumipas ulit ang mga araw. Lagi na kitang tinetext ng “good morning”. Bihira kang sumagot pero okay lang. Ang sa akin lang, alam kong naiisip kita araw-araw. Huwebes, nagtext ako. Niyaya ulit kita manuod ng Biyernes. Hindi ko pa rin pinanuod ang Kungfu Panda. Umaasa pa rin ako na matutuloy tayo. Wala akong narinig sa’yo buong Biyernes. Nagpasya na kong tigilan na ang ilusyon. Halata naman na wala kang kahit na kaunting pagtingin sa akin. Pinilit kong kontrolin ang mga nararamdaman ko. Nag-lie low muna ako sa pakikipagtext sa’yo. Ayoko namang isipin mo na ikaw lang ang buhay ko. Hanggang may isang pangyayari na naganap. Nagalit ako at nainis. ‘Yun na siguro yung senyales na kailangan ko nang tumigil. Pero habang nasa isang party ako isang Sabado, nagtext ka. Tinanong mo kung puwedeng manuod tayo ng Kungfu Panda. 

Monday, August 1, 2011

The NeverEnding Story (Part 1)

Hindi ko alam kung 2007 o 2008 ba tayo unang nagkakilala. Nakilala kita kasi madalas ka sa tambayan namen. Yung mga orgmates ko, sabay-sabay pa kayong kumakanta. Hindi ka pa tapos mag-aral ‘nun. 4th year college ka na pero mukha ka pa ring high school. Oo, yun ang itsura mo. Ang liit-liit, ang payat-payat. Balita ko rin, pinagdududahan nila ang tunay mong kulay. Eh paano, ang sweet n’yo naman ni S. Hindi tayo naging close ‘nun. Wala rin namang chance. Lumipas ang mga buwan at taon, tama ang hinala nila. Bading ka. At magsyota kayo ni S. Nagsama pa kayo sa isang apartment sa teacher’s village.

Fast forward tayo sa 2010. Nagkikita naman tayo paminsan-minsan sa mga okasyon. Lalo na kung may mga videoke na involve. Ang galing mo kumanta. Para kang si Jason  Mraz. Na paborito mo rin naman talaga. Kuhang-kuha mo yung mga falsetto. Sa liit mong yan, nakakatuwang makitang bumibirit ka ng mga kantang kikiligin ang mga tao. Sa akin, ganun ka pa rin. Hindi ko alam kung bakit. Hindi lang talaga tayo nagkiclick. Siguro nakatatak din sakin yung relasyon n’yo ni S kahit balita kong nagkahiwalay na kayo. Sabi pa nga, sobrang dinamdam mo yung nangyari. Parang hanggang ngayon nga, pakiramdam ko hindi ka pa rin talaga nakakamove on. Pero baka mali rin ako. Nalaman ko rin, nagkagusto ka ng todo sa kaibigan kong si J. Kaya lang, sa pagkakataong ito, bigo ka pa rin. Hindi kayang suklian ni J ang mga nararamdaman mo. Nanatili akong nakamasid sa mga kaganapan. ‘Yung totoo, nalungkot ako para sa’yo. Ilang beses na rin naman akong nareject. Alam ko ‘yung pakiramdam. Hindi yata natin ‘to napag-usapan kahit kailan. Hindi ko rin naman mabuksan ang topic na ito sa’yo.

Nauso ang badminton sa mga kaibigan natin. Sumali tayo. Hindi ako masyadong magaling kaya ‘nung naging magkakampi tayo. Natalo tayo. Nainis ka sakin. Nagulat ako sa pagiging competitive mo bilang fun-fun lang naman yung laro natin. Pumunta tayo sa surprise birthday party ng kaibigan natin. ‘Nung mga panahon na ‘yun, inasar tayo ng mga kaibigan natin. Lagi naman ako inaasar kaya game lang ako. Tinanong ako kung may chance tayong dalawa, sabi ko, okay lang. ‘Nung ikaw na, sabi mo, wala. Ouch. Masakit yun ah. Sana tumigil na ko ‘nung panahon na ‘yun. Pero hindi ko naman kasi naisip na puwedeng mauwi sa totohanan ang mga pang-aasar lang sa atin. Tuloy ang badminton. May mga kinwento ako na nakarelate ka. Pagkatapos nung game, ang sweet mo na sakin. Kung makakapit ka sa braso ko, parang 10 years na tayong magkaibigan. May mga pagkakataon na napapatitig ako sa’yo. Tuloy ang asaran sa atin. Siguro dito na nagsimula. Kasi may mga gabing iniisip na kita. Oo maliit ka. 5’5 siguro. Pero hindi naman maitatanggi ang angkin mong kakisigan. Masarap tingnan ang mga mata mong malamlam. Parang masarap halikan ang mga labi mong makipot. Parang masarap makulong sa mga braso mong payat. Parang masarap kang mahalin.

Agosto, Setyembre, Oktubre. Lumilipas ang mga buwan. Unti-unti akong nahuhulog sa’yo. Hindi ko muna inaamin sa sarili ko. Alam ko na ‘yung ganito. Gusto ko, pero hindi naman ako gusto. Tapos ang dami-dami mo pang issues. Kay S, kay J at sa sarili mo. Ayoko na sanang mainvolve sa mga taong katulad mo. Pero cliché man kung cliché, alam naman nating hindi natin kontrolado ang mga bagay-bagay.

Hindi kita pinursue. Hindi ako handa sa isang rejection. Hinayaan kong maging masaya na lang sa mga pagkakataon na magkasama tayo. Nagtetext at nag-uusap sa telepono. May mga ibang bagay din naman ako na naging problema, kaya siguro hindi ko na rin masyado naisip. Masaya na ako sa kung anuman ang meron tayo. Wala talagang chance eh. Lagi akong kaibigan lang. O siguro din kasi hindi naman ako guwapo katulad ng mga gusto mo. Kulang din siguro yung talent ko, kumpara kina S at J. Ewan ko ba. Hindi ko naman hobby ang magself-pity pero naging pamatay ko siya ng oras ‘nung nagustuhan kita. Gusto ko rin kasi bigyan ng hustipikasyon ang mga bagay-bagay. Kung bakit hindi na lang tayo, at kung bakit hindi ako laging magustuhan ng mga taong gusto ko. Nakakalungkot kasi kapag nagkukuwentuhan tayo, alam kong kaya kong pantayan ang mga gusto mo sa isang relasyon. Puwedeng maging tayo ang pinakamasayang magkasintahan. Kaya kong ibigay ang lahat ng gusto mo. Pero sa huli, hindi naman kasi ako ang tipo mo. Hindi nga yata ako sumagi sa utak mo kahit kailan.

Pinilit ko na rin na umiwas sa’yo. Ang hirap mahulog ng sobrang lalim. Baka hindi na ako makalangoy at malunod na ako. Mahirap na. Sa edad kong ito, mas kilala ko na rin ang sarili ko. Pero muli, hindi ko yata kayang takasan si Kupido. Isang araw ng Mayo, nagkaroon ng seminar at pareho tayong nandoon. Masaya akong makasama ka ulit. Nakakaaliw pa nga ‘yung damit mo. Parang pupunta ka lang sa Bora. Makulit ka sa workshop. Panaka-naka ang mga sulyap ko sa’yo. Iba ang kinang ng mga mata mo. Iba ang ngiti mo. Parang inspired ganyan. Nalaman ko, may dinedate ka pala. Hindi ko na maalala yung naramdaman ko. Nagselos ba ‘ko? Nainis? Natuwa na finally, may nahanap ka na? Ang mahalaga lang ‘nun, masaya ako na kasama ulit kita.

Napilit ako ng kaibigan natin na matulog sa inyo pagkatapos ng workshop. Sabi mo, pumayag na ‘ko. Kahit kagagaling ko lang sa overnight din ‘nun, sumama na rin ako. Kung dati, mga 10 tayong pumupunta sa inyo, aba ngayon tatlo na lang! Mas magkakaroon ako ng oras na makausap ka, makabonding. Ayoko muna isipin na may dinedate ka na. Ang importante, ‘yung mga oras na ‘yun. Na kung puwede lang, patigilin ko para sa’yo. Akala ko, hindi na kita ganun ka-gusto. Pero habang nasa jeep tayo, hindi ko maitago ang mga ngiti ko. Hindi ako mankandamayaw sa mga posibilidad ng gabi na ‘yun.


-----

The NeverEnding Story (German: Die unendliche Geschichte) is a 1984 West German (English language) epic fantasy film based on the novel of the same name by Michael Ende, about a boy who reads a magical book that tells a story of a young warrior whose task is to stop a dark storm called the Nothing from engulfing a fantasy world. The film was produced by Bernd Eichinger and Dieter Giessler and directed and co-written by Wolfgang Petersen (his first English-language film) and starred Barret Oliver, Noah Hathaway, Tami Stronach, Moses Gunn, Thomas Hill; and Alan Oppenheimer as the voices of both Falkor and Gmork. At the time of its release, it was the most expensive film produced outside the USA or the USSR. The film was later followed by two sequels.